-- Advertisements --

Hinimok ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga local government units (LGUs) na magpasa ng ordinansa para iobliga ang mga business establishment na mag-install ng closed-circuit television (CCTV) systems bago ang isyuhan ng business permits o ang “No CCTV, no business permit policy.”

Partikular na tinukoy ng DILG na dapat na ipatupad ang naturang polisiya sa mga establisyemento na may malaking bilang ng mga customers na nasa risk at hazard-prone.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, ang concurrent chairperson din ng National Peace and Order Council na kasabay ng muling pagbabalik ng mga tao sa kanilang pre-pandemic ways, mahalagang iprayoridad ng mga LGU ang kaligtasan ng publiko at ang CCTVs ay isang pamamaraan na magagamit ng mga LGU para tiyakin ang seguridad ng publiko, maiwasan ang anumang krimen at matukoy at mahuli ang mga perpetrators.

Ilan aniya sa mga establisyemento na kailangang maglagay ng CCTV ay ang financial establishments gaya ng bangko, pawnshops, money lenders, at money remittance services at business establishments na may mga branches gaya ng shopping malls, shopping centers, supermarkets, wet markets at medical facilities tulad ng hospitals, clinics at laboratories at iba pang business establishments.