-- Advertisements --

Sinimulan na kagabi ng iba’t ibang local government units (LGUs) sa Metro Manila ang pagbabakuna sa kanilang mga residente sa gabi.

Paraan na rin ito ng mga LGUs para ma-accommodate ang mga manggagawang hindi magawang makapagpabakuna sa umaga dahil mayroon pa silang pasok sa trabaho o may mga kailangan na asikasuhin.

Sa Quezon City, aabot sa 2,000 pre-registered essential workers o mga kabilang sa A4 priority group ang nabakunahan ngayong gabi sa Quezon City Hall Grounds.

Bukas ang kanilang “Bakuna Nights” mula alas-6:00 ng gabi hanggang alas-10:00 ng gabi.

Ganito rin ang schedule para sa night-shift vaccination sa mga industry workers at economic frontliners sa Valenzuela City, na isinasagawa sa Pasolo Elementary School.