-- Advertisements --

Handa ang National Irrigation Administration sa ipinapatawag na imbestigasyon sa pagpapakawala ng tubig ng Magat Dam, na sinisisi ng ilan kung bakit nagkaroon ng malawakang pagbaha sa lalawigan ng Cagayan at Isabela habang nananalasa sa Luzon ang Bagyong Ulysses.

Sinabi ni NIA administrator Ricardo Visaya na ang nakatakdang imbestigasyon ng Senado ay magandang pagkakataon para sa ahensya na ma-review ang kanilang operation protocols.

Binigyan diin ni Visaya na sinunod lamang ng NIA ang umiiral nilang protocols nang magpakawala ng tubig sa dam kamakailan.

Sa panuntunan na kanilang sinusunod sa ngayon, maari lamang aniyang ipag-utos ng NIA ang discharge ng tubig sa dam dalawa hanggang tatlong araw bago dumating ang bagyo.

Nanindigan din ito na walang nalabag sa kanilang protocols pagdating naman sa batikos na hindi napanatili ang average water level mula Hulyo hanggang Setyembre sa loob taas na 165 hanggang 175 meters.

Kahapon, sinabi ni Sen. Francis Pangilinan na balak niyang maghain ng resolusyon para magpatawag ng imbestigasyon sa pagbaha sa Cagayan Valley, kung saan 24 katao ang naitalang patay.

Naihain naman na ni Sen. Risa Hontiveros ang Senate Resolution No. 571 na nagpapatawag ng imbestigasyon sa man-made causes ng malalang pagbaha sa Cagayan, Rizal at Marikina City.