CAGAYAN DE ORO CITY – Kasalukuyang kinumkumpuni ng technical personnel ng National Grid of the Philippines Mindanao area ang tower no.8 nila na nagsilbing Baloi-Aurora 138KV transmission line sa Sitio San Isidro,Barangay Bagumbayan,Kauswagan, Lanao del Norte.
Kaugnay ito nang pagkatumba matapos pinasabugan ng improvised explosive device (IED) ng hindi pa kilalang armadong grupo sa lugar kahapon.
Sinabi ni Kauswagan Police Station commander Maj Exequil Arcayne na patuloy pa ang kanilang isinagawa na imbestigasyon kasama ang kasundaluhan ng 1st ID,Philippine Army hinggil sa pangyayari.
Tumanggi muna si Arcayne na banggitin kung ano ang pangunaning motibo sa tower bombing habang nagpapatuloy pa ang kanilang imbestigasyon.
Magugunitang pansamtalang nawalan ng suplay ng koryente ang NGCP service areas ng Lanao del Norte,Misamis Occidental at buong Zambonanga Peninsula.
Pinakaunang kaso ito ng tower explosion sa nakalipas na anim na taon sa nabanggit na bahagi ng Mindanao region.