Nanindigan ang National Transmission Corporation (Transco) sa posisyon nito na may kapangyarihan ang China na i-shutdown ang power grid ng bansa.

Ito ang pagpalag ni Transco President Melvin Matibag sa pahayag ni National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) spokesperson Cynthia Alabanza na nagsabing hindi maaaring basta ihinto ng Beijing ang sistema ng enerhiya ng estado.

Sa isang pahayag, sinabi ni Matibag na kailangang matuloy ang panukalang audit sa control centers ng NGCP dahil ito ang nakikita niyang paraan para maresolba ang issue.

Paliwanag ng opisyal, hindi malabong magkaroon ng access ang dayuhang co-owners ng state grid dahil sa digital ng network nito.

Hindi aniya totoo ang sinabi ni Alabanza na kailangan pang dumaan sa mano-manong proseso ang pagpatay sa power grid, dahil sa impluwensya pa lang ng internet ngayon ay maaari ng manduhin ang sistema ng Supervisory Control and Data Acquisition (SCADA).

Ang SCADA ang sistema na kumu-kontrol sa grid network ng NGCP.

Tanong tuloy ng Transco president, baka may ayaw ipakita ang state grid sa loob ng kanilang sistema kaya ayaw magpasailalim sa audit ng gobyerno.

Bilang co-owner, may access ang State Grid Corporation of China sa network ng NGCP ayon kay Matibag.

Una nang sinabi ni Energy Sec. Alfonso Cusi na mula nang pumutok ang issue ay naging mailap ang NGCP sa security audit ng Transco.