Nangako ang NGCP na kanilang iimbestigahan kung bakit naputol ang pagpapadala ng advisory sa DOE at ERC noong araw na maganap ang pagpalya ng mga planta sa Western Visayas.
Sa pagdinig kanina ng Komite nausisa ni Iloilo Rep. Lorenz Defensor kung bakit mula 10:30 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon ng January 2,2024 kung kailan naganap ang pag-palya ng mga planta ay hindi na nakapagpadala ng abiso ang NGCP.
Alas-12:06 nang unang pumalya ang PEDC o Panay Energy Development Corporation (PEDC) Unit 1.
Alas-2:19 ng hapon naman nang bumagsak ang iba pang mga planta.
Inihayag ni Rep.Defensor na noong nangyari ang power outage sa Iloilo noong April 2023, nagkasundo ang NGCP, ERC at DOE na bumuo ng isang viber group para doon ipadala ang update sa estado ng mga planta.
Ngunit noong January 2,2024 sa nabanggit na mga oras ay walang mensahe na naipadala ang NGCP.
Ayon naman kay Clark Agustin, NGCP Visayas Operations System Head, aalamin nila kung bakit hindi nakapagpadala ng advisory sa naturang kritikal na oras.
Sabi naman ni Agustin na nakapagpadala naman sila ng SMS message noong mag-trip na ang mga planta.
Sa pagharap ng NGCP sa pagdinig kanilang ipinaliwanag ang dahilan sa nangyaring blackout.