Nabunyag sa annual report ng Commission on Audit (COA) na nabigo ang National Food Authority (NFA) na maabot ang kinakailangang buffer stock ng bigas na 300,000 metrikong tonelada noong 2022.
Ayon sa state auditors, pumalo lamang ang buffer stock ng bigas sa buong taon ng 2022 mula 111,000 hanggang 182,000 metric tons.
Ang kabiguan aniya ng NFA na mapanatili ang optimum level ng kinakailangang rice buffer stocking ng bansa ay naglalagay sa food security sa panganib sakaling magkaroon ng mga kalamidad at emergency situations o hindi pagpapatuloy ng disaster relief programs ng pamahalaan dahil sa natural o man-made calamities.
Gayundin magreresulta ito sa kakulangan ng suplay ng bigas at mas mataas na commercial rice sa merkado.
Bumaba din ang bilang ng NFA buying stations at mobile procurement teams mula sa dating 598 noong 2020, nasa 232 na lamang ito noong 2022 dahil sa restructuring program salig sa Republic Act No. 11203 o Rice Tarrification Law.
Ito ay sa kabila pa ang ibinigay na P7 billion na subsidiya mula sa pamahalaan.
Idinagdag pa ng state auditors na nakapagtala ng pagbaba ang NFA ng 177,349 MT o 36.95% ng targeted palay procurement na 480,000 MT.
Kaugnay nito, inirekomenda ng state auditors sa NFA na tiyaking napapanatili ang rice buffer stock requirement na 300,000 MT sa pamamagitan ng pagpapaigting pa ng information dissemination sa palay procurement activities ng NFA sa mga producing regions sa pagsisimula ng cropping season, pagpapalakas ng kampaniya nh NFA sa Palay Marketing Assistance Program for Legislators and Local Government Units (PALLGU), pagpapatas ng bilang ng procurement teams na nakatalaga sa mga lugar kung saan nasa progreso ang harvesting at pagbibigay ng tulong at dagdag na insentibo para sa mga magsasaka paRa mahikayat ang mga ito na maibenta ang kanilang inaning palay sa NFA.
Ayon naman sa COA, pumayag ang NFA sa naturang mga rekomendasyon at nangakong magsusumikap na matustusan ang kinakailangang 300,000 MT ng rice buffer stock ng pamahalaan para masiguro ang seguridad ng pagkain sa ating bansa.