-- Advertisements --

Ipinaabot ng pamunuan ng Philippine National Police Academy (PNPA) ang kanilang pakikiramay sa pamilya ng bagong kadete na pumanaw nitong nakalipas na Sabado matapos na ma-ospital ng 12-araw dahil sa heat stroke.

Ayon kay PNPA director Major General Alexander Sampaga, si New Cadet Rafael D Sakkam ay idineklarang patay dahil sa cardiac arrest pasado alas-6:00 ng hapon noong Sabado habang naka-confine sa intensive care unit ng Qualimed Hospital sa Sta Rosa City, Laguna.

Siya ay naospital makaraang hinimatayin dahil sa heatstroke habang nagsasagawa ng “afternoon road run” noong Hunyo 7.

Sinagot ng PNPA ang lahat ng medikal na pangangailan ni Cadet Sakkam habang siya ay nasa ospital hanggang sa inilibing noong Sabado rin alinsunod sa Muslim tradition.

Tiniyak naman ng pamunuan ng PNPA na nagsasagawa sila ng mga hakbang para masiguro ang tamang “hydration” ng mga kadete na nagsasanay sa panahon ng tag-init.