Magsasagawa ng “new normal” dry run sa katapusan ng Mayo ang Metro Rail Transit (MRT-3) sakaling payagan na ang pagbabalik operasyon nito.
Ayon kay MRT-3 director Michael Capati, may mga train marshals na itatalaga sa loob ng kada train sets para masigurong nasusunod ang social distancing protocol sa mga pasahero.
Mula sa 1,200 carrying capacity ng MRT-3, babawasan muna nang hanggang 153 pasahero ang papasakayin.
“Doon naman sa ground, marami tayong security guard para masiguro na ang social distancing ay ma-implement nang maayos,” ani Capati sa Laging Handa briefing.
Magpapatupad din daw sila ng disinfection sa mga tren, maglalagay ng sanitizers at alcohol.
Batay sa naunang anunsyo ng MRT-3, pinayuhan nito ang mga pasahero na maglaan ng dalawa hanggang tatlong oras na palugit bago makasakay ng tren.
Magiging mahigpit kasi ang panuntunan mula sa entrance ng mga istasyon, hanggang sa cashier at pagsakay ng bagon.