Nasa 30 miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) ang ipapadala at idedeploy ng Philippine National Police (PNP) sa Negros Oriental.

Ito’y kasunod ng serye ng mga naitatalang patayan sa nasabing lugar.

Mismong si PNP Chief Oscar Albayalde ang nag-utos na magpadala ng dagdag na tropa para tulungan ang local police sa lugar na panatilihin ang kapayapaan at kaayusan.

Tutulong din ang mga SAF troopers sa anti-criminality and internal-security operations laban sa mga criminal elements at New People’s Army (NPA) na kumikilos sa Negros Occidental at Negros Oriental.

Batay sa datos, pumalo na sa 20 ang nasawi sa mga serye ng patayan sa dalawang probinsiya simula nitong July 18 kabilang ang apat na pulis.

Sinabi ni Albayalde na puspusan pa ang pag-iimbestiga ng PNP kung anong grupo ang nasa likod ng mga kaso ng pagpatay.

Paliwanag ni Albayalde, hindi malayong isinasakripisyo ng NPA ang kanilang mga kasamahan at ituro ang gobyerno sa mga kaso ng pagpatay.

Sa kanila aniyang pag-uusap ni Pangulong Rodrigo Duterte ay wala naman itong nababanggit na may planong magdeklara ng Martial Law sa Negros Island.

Ang malinaw lang ay hindi nito itinago ang galit nang binisita ang burol ng apat na pulis na pinaslang umano ng NPA.