Kasalukuyang nagpupulong ngayon ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kasama ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at Regional DRRMCs kaugnay ng Bagyong Karding na ngayon ay isa ng Super Typhoon bilang paghahanda.
Ang nasabing pulong ay pinangungunahan ni DND OIC Secretary at NDRRMC Chairperson Jose Faustino Jr.
Sa kabilang dako, muling nagbabala sa publiko ang NDRRMC kaugnay sa “Bagyong Karding” na kasalukuyang nagdadala ng pag-uulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa na posibleng magdulot ng malawakang pagbaha at pagguho ng lupa sa mga apektadong lugar.
Pinag-iingat at inaabisuhan ang lahat na makinig at sumunod sa payong pangkaligtasan ng mga awtoridad at maging sa kani-kanilang mga local government units.
Siniguro naman ni NDDRMC Executive Director USec. Raymundo Ferrer na patuloy na nakaantabay ang National Disaster Disaster Risk Reduction and Management Council sa sitwasyon.