VIGAN CITY – Nagpaalala ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa mga nais magpaabot ng tulong sa mga biktima ng magkakasunod na lindol sa Mindanao.
Sa panayam ng Bombo Radyo hinimok ni Office of Civil Defense spokesperson Mark Timbal ang publiko na makipag-ugnayan sa concerned local government units at agencies kung nais nilang mag-donate ng relief goods.
Ito umano ang paalala ng NDRRMC para maiwasan ang mga mapang-abuso na ginagamit ang pagtulong ng ilang indibidwal at grupo.
Nais lang din daw nilang matiyak na makakarating sa mga nangangailangan ang ipaabot na tulong.
Ayon kay Timbal, kailangan pa rin talaga ng dagdag na tulong ng mga biktima pero iginiit nito na walang humanitarian crisis sa rehiyon.
Humingi naman ang opisyal ng pang-unawa mula sa mga internally displaced persons, gayundin ng kooperasyon para sa maayos na pagbangon sa trahediya.