-- Advertisements --

Nagbigay ng suhestyon si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Major Gen. Debold Sinas para sa mga grupo na nagbabalak magsagawa ng rally sa ika-limang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes. Hulyo 27.

Ito’y kasunod nang inilabas na bagong direktiba ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kung saan mahigpit pa rin na ipagbabawal ang mass gathering kahit sa araw ng SONA.

Sinabi ni Sinas na kung maaari ay gawin na lamang online o virtual ang rally na inilalatag ng mga protest group para maiwasan na rin ang tuluyang pagkalat ng deadly virus.

Muli rin silang makikipag-usap sa mga stakeholders kaugnay sa inilabas na memorandum ng DILG. Makikipagpulong din umano ito sa lokal na pamahalaan ng Quezon City hinggil sa nasabing paksa.

Hindi na rin daw kasi papahintulutan ang pagsasagawa ng rally sa kahabaan ng Commonwealth sa Quezon City.

Ang naturang direktiba ay alinsunod na rin sa Inter-Agency Task Force (IATF) Resolution No. 57 na papairalin pa rin ang pagbabawal sa mga tao na magkumpol-kumpol lalo na sa darating na Lunes.

Kaugnay nito, una nang sinabi ng ilang raliyista na hindi sila magdadala ng tradisyunal na effigy na kanilang susunugin habang nagbibigay ng update ang pangulo sa kasalukuyang lagay ng Pilipinas.

Sinabi ni Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) Secretary-General Renato Reyes na gagawa na lamang ng virtual effigy ang ilang artists mula Sama-samang Artista para sa Kilusang Agraryo (SAKA) at virtual na rin ang gagawing pagsusunog dito.

Tunay ngang naging sentro na ng maraming demonstrasyon at kilos-protesta ang pagsusunog ng effigy ngunit kailangan pa rin daw isaalang-alang ng grupo ang pagsunod sa umiiral na physical distancing.

Ani pa ni Reyes, importante pa rin umano ang physical protest sa mga ganitong pagkakataon lalo na sa ginagawa raw na pag-atake ng gobyerno sa karapatan at kalayaan ng mga Pilipino. Sinisgurado rin aniya ng mga organizaers na magiging ligtas ang bawat lalahok sa kilos-protesta.

Inaasahang gagawin ang SONA protest sa Commonwealth Avenue, sa mismong harapan ng Commission of Human Rights (CHR).