-- Advertisements --

Hindi pa rin nagbababa ng alert level ang National Capital Region Police Office (NCRPO), apat na araw matapos ang State of fhe Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Nangangahulugan ito na nananatili ang heightened alert status kahit wala namang namomonitor na anumang threat o banta.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay NCRPO chief M/Gen. Guillermo Eleazar, kaniyang sinabi na kahit wala silang namomonitor lalo na ang sinasabing “lone wolf attack ” ay nakaalerto pa rin sila.

Inihayag kasi ni Defense Secretary Delfin Lorenza na malaki ang posibilidad na magkaroon ng spill over sa mga malalaking siyudad sa bansa gaya ng National Capital Region at Cebu ang mga nangyayaring terroristic activities sa Mindanao.

Pero tiniyak ni Eleazar na regular ang kanilang checkpoint operation at pinalakas ang police visibility sa mga kalye upang maiwasan ang anumang planong karahasan.

Ipinagmalaki naman ni Eleazar ang mapayapang pagdaraos ng SONA ng Pangulo kung saan nagtulong-tulong ang Philippine National Police, Armed Forces of the Philippine, Metropolitan Manila Development Authority, at iba pang ahensiya ng pamahalaan para maging maayos at payapa ito.

Aniya, kasunod ng insidente ng suicide bombing sa Indanan, Sulu, ay nagpatupad na rin ng security adjustment ang NCRPO.