Inaasahang magpupulong mamayang gabi ang mga alkalde ng Metro Manila para talakayin ang kanilang magiging rekomendasyon para sa susunod na quarantine classification sa buong National Capital Region, ayon kay DILG spokesperson Jonathan Malaya.
Magugunita na ang Metro manila ay nasa ilalim pa rin ngayon ng enhanced community quarantine simula Agosto 6 hanggang 20.
Ayon kay Malaya, bukas nakatakda namang magpulong ang Technical Working Group ng IATF, kaya sa mga susunod na araw ay malalaman na rin kung ano ang magiging rekomendasyon ng IATF na ipapa-apruba naman kalaunan kay Pangulong Rodriog Duterte.
Inamin naman ni Malaya na ang ipinatutupad na ECQ ngayong Agosto ay mas maluwag kumpara sa mga nakalipas na buwan dahil na rin sa vaccination program ng pamahalaan at sa mahabang listahan ng mga authorized persons outside of residence.
Noong Linggo, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na kabuuang 71,755 violators ang naitala magmula nang maipatupad ang ECQ ngayong buwan.