Handa ang National Commission on Muslim Filipino (NCMF) na makipagtulungan sa Department of Health (DOH) sa pag-trace sa mga tao na posibleng nakahalubilo ng pasyenteng nagpositibo sa COVID-19 na madalas nagdarasal sa prayer hall sa San Juan City.
Pagtitiyak ito ni NCMF director for bureau of eternal relations Jun Alonto Datu Ramos kahit wala pa silang instruction aniya sa ngayon mula sa DOH.
Noong Biyernes lang ay sinabi ng DOH na mayroong dalawang bagong kaso ng COVID-19 sa bansa: ang 48-anyos na lalaking Pilipino na may travel history sa Japan, at 62-anyos na lalaking Pilipino sa San Juan City na walang travel history sa ibang bansa pero madalas na pumunta sa prayer hall sa naturang lungsod.
Kahapon, isa pang pasyente ang nagpositibo sa COVID-19, na ayon sa DOH, ay asawa ng ika-limang kaso, ang lalaki na mula sa San Juan City.
Samantala, hinimok naman ni Ramos ang kapwa nito Muslim na manatiling kalmado at sumunod sa mga kautusan ng lokal na pamahalaan na may kaugnayan sa COVID-19.