Posibleng isasampa na ngayong araw ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga kaso laban sa KAPA investment group na iligal na nag-o-perate dito sa bansa.
Una rito, sinabi ni NBI-National Capital Region (NCR) Regional Director Cezar Bacani na tinatapos na ng NBI ang kanilang imbestigasyon para sa karampatang kasong isasampa laban sa mga opisyal ng KAPA.
Kahapon, nagsampa na rin ng kaso ang Securities and Exchange Commission (SEC) laban sa mga opisyal ng Kapa-Community Ministry International, Inc. (KAPA).
Humaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 8799 o Securities Regulation Code (SRC) sina KAPA founder at president Joel A. Apolinario, trustee Margie A. Danao at corporate secretary Reyna L. Apolinario.
Kinasuhan din ng SEC sina Marisol M. Diaz, Adelfa Fernandico, Moises Mopia, Catherine Evangelista at Rene Catubigan dahil sa panghihikayat at pag-promote sa naturang investment scam.
Ayon sa SEC, marami pa silang sasampahan ng kaso dahil kasalukuyan pa nilang kinikilala ang ilan pang personalidad na sangkot sa naturang scheme.