-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Pinag-iigat ng NBI (National Bureau of Investigation) ang mga mahilig makipagkaibigan sa social media na kilatising mabuti ang kanilang mga nakakausap.

Sa isinagawang entrapment operation sa Manila, arestado ang isang lalaking suspek na nagpapakilalang online mangkukulam.

Pagbubunyag ni NBI Cybercrime Division Chief Vic Lorenzo sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nagpasaklolo sa kanila ang hindi na pinangalanang babaeng biktima nito matapos hingan ng P2 milyon ng suspek.

Hindi pa nakuntento, muling humingi ng karagdagang P100,000 sa biktima kaya isinagawa ang operasyon na nagresulta sa matagumpay na pagkakadakip ng suspek.

Modus nito ang mag-random messaging sa Facebook, mag-stalk at kaibiganin muna ang bibiktimahin kasabay ng pag-alam sa mga kinatatakutan at iba pang vulnerabilities o kahinaan nito.

Sakaling mapakagat, magbabantang kukulamin ang biktima o may mangyayaring masama rito kapag hindi nagbigay ng pera.

Iniimbestigahan na rin sa ngayon kung may iba pa itong kasabwat habang inaalam kung may iba pang nabiktima.

Mahigpit ang abiso ni Lorenzo na huwag magpapaniwala sa mga pananakot at isumbong agad sa mga otoridad kung makaranas ng kaparehong insidente.

Imbes na maniwala sa pangkukulam, mas pagtibayin aniya ang paniniwala sa Diyos.