-- Advertisements --

Inatasan ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng bukod na imbestigasyon hinggil sa paglaganap ng smuggling ng mga agriculutural product sa bansa.

Ito ay matapos na himukin ng Department of Agriculture (DA) ang Department of Justice (DOJ) na pabilisin na ang ginagawang imbestigasyon hinggil sa nasabing ilega na gawain upang makasuhan na ang lahat ng mga mapapatunayang sangkot dito.

Sinabi rin ni Guevarra na inatasan na rin niya ang mga state prosecutors na suriin ang kanilang mga docket at pabilisin ang preliminary investigation ukol dito .

Nakipag-ugnayan na rin aniya sila sa Anti-Red Tape Authority (ARTA) para patawan ng criminal charges ang mga opisyal ng gobyerno at pribadong indibidwal na pinaghihinalaang konektado o sangkot sa agricultural smuggling.

Matatandaan na nauna nang sinabi ni Agriculture Undersecretary Fermin Adriano na dapat paigtingin ng DOJ ang proseso ng imbestigasyon nito at pabilisin ang pag-uusig sa mga kaso na may kinalaman sa smuggling ng mga produktong pang-agrikultura upang pigilan ang mga katulad na aktibidad sa hinaharap.