-- Advertisements --
Screenshot 2020 07 20 18 16 28 20

Nakatakdang maglabas ang Department of Justice (DoJ) ng Department Order (DO) para atasan ang National Bureau of Investigation (NBI) na pumasok na rin sa imbestigasyon kaugnay ng pagkamatay ng siyam na high profile inmate sa New Bilibid Prison (NBP).

Ito ang inilabas na statement ni Justice Sec. Menardo Guevarra matapos silang magpulong kaninang hapon ni Bureau of Corrections (BuCor) Director Gerald Bantag.

Nag-ugat ang isyu sa pagkamatay ng inmate na si Jaybee Sebastian na isa sa mga ipinatawag noon sa pagdinig kaugnay ng paglaganap ng droga sa pambansang piitan at idinawit si Sen. Leila de Lima na noo’y kalihim ng DoJ.

Sinabi ni Guevarra na na sumentro ang pagpupuong nila ni Bantag sa sitwasyon ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa BuCor.

Kabilang na raw dito ang pagkamatay ng mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) na humaharap sa mga kasong may kinalaman sa illegal drugs. 

Ayon daw kay Bantag, 21 na PDLs ang kumpirmadong namatay dahil sa coronavirus mula noong buwan ng Marso.

Siniguro naman daw ni Bantag na under control na ang health situation sa BuCor.

Sa ngayon, nasa limang PDLs na lamang daw ang nasa isolation facility ng NBP o mas kilalang Site Harry.

Ang Site Harry ang pinakamalaking quarantine at isolation facility sa BuCor na mayroong 300 bed capacity.

Ipinarating din umano ni Bantag na ang sinusunod nilang protocol ay ang mandatory cremation ng mga bangkay sa loob ng 12 oras para mapigilan ang pagkalat pa ng virus.

Kaya naman agad daw isinailaim sa cremation ang bangkay ni Sebastian 12 oras matapos itong mamatay.