Maglalaro bilang starter para sa Dallas Mavericks ang 2025 NBA No. 1 pick na si Cooper Flagg sa laban kontra Utah Jazz.
Ayon kay NBA insider Marc Stein, si Flagg ay itatalaga bilang point guard para sa Mavericks, kasama sina PJ Washington, Klay Thompson, Anthony Davis, at Dereck Lively II.
Bagama’t hindi pagdadala ng bola ang natural na posisyon ni Flagg sa court, maaga pa lamang ay ipinakita na niya ang kanyang husay sa pagbuo ng opensa para sa kanyang mga kakampi. Nagtala siya ng average na 3.5 assists sa kanyang unang dalawang laro sa NBA—isang magandang simula para sa Mavericks lalo’t kasalukuyang nagpapagaling pa ang kanilang pangunahing point guard na si Kyrie Irving.
Si Flagg ay dating manlalaro ng Duke University kung saan nagtala siya ng 19.2 puntos at 7.5 rebounds kada laro. Sa kanyang unang dalawang laro sa NBA, agad niyang ipinamalas ang kanyang gilas sa pamamagitan ng 10.5 puntos at 6.5 rebounds kada laro.