Hawak na ng Oklahoma City Thunder ang 3-2 lead, matapos duminahin ang Game 5 ng NBA Finals laban sa Indiana Pacers.
Hindi nakabangon ang Pacers sa 14-point half-time deficit, sa kabila ng pagpupumilit ng koponan na makabawi sa 2nd half ng laban.
Labis na inalat ang all-around star ng Pacers na si Tyrese Haliburton at walang naipasok na score sa unang kalahating bahagi ng laro. Bagaman pinilit din niyang bumawi sa 2nd half, nalimitahan lamang siya sa 4 points sa kabuuan, kasama ang anim na rebounds at anim na assists.
Sa kabilang banda, nagbuhos si Thunder forward Jalen Wiliams ng 40 big points habang 31 points at sampung assists naman ang naging ambag ng guard na si Shai Gilgeous-Alexander.
Labis na nahirapan ang Pacers sa mabigat na depensa ng Thunder kung saan kumamada ang Thunder ng 12 blocks sa kabuuan habang apat lamang ang naiganti ng Pacers.
Umagaw rin ang Thunder ng 15 steals habang pinilit ang Pacers na gumawa ng 22 turnover sa kabuuan.
Sa kabila nito, mas mataas pa rin ang overall shooting percentage ng Pacers dahil nagawa nilang panatilihin ang 45.1% overall shooting habang 42.6% lamang ang naisagot ng winning team.
Sa pagkatalo ng Pacers, nasayang ang 28 points ng NBA champion na si Pascal Siakam, kasama ang 18 points ng bench na si T.J McConnell.
Babalik sa Indiana ang G6 kung saan inaasahang tatangkain ng Pacers na itabla sa 3-3 ang laban.