Target ng pamunuan ng Philippine Marines na maging highly amphibious capable ang lahat ng Marine Batallion Landing Teams ngayong mayroon ng magbibigay ng operational security sa mga sundalong marines habang nasa isang operasyon.
Ito ay ang bagong frigate ng Philippine Navy ang BRP Jose Rizal.
Ayon kay Philippine Marine commandant M/Gen. Nathaniel Casem, sumasailalim na sa amphibious training ang MBLT-9 at kasalukuyang nasa finishing stage na sa kanilang retraining ang nasabing batalyon.
Sinabi ni Casem, malaking tulong sa amphibious operation ang FF150 ang BRP Jose Rizal na makapagbibigay ng naval gunfire support sa gagawing amphibious operations at sa kabuuan magbibigay ng operational security sa mga tropa.
Dahil sa mahalaga ang role ng BRP Jose Rizal sa amphibious operations, bubuo ng task force ang Philippine Marines at ang Philippine Navy Fleet para mas mahigpit ang kanilang koordinasyon sa isa’t isa.
Sa ngayon naka-deploy ang mga sundalong marines sa Central Mindanao, Sulu, Tawi-Tawi, Palawan at sa Cagayan sa Northern Luzon.
Tuloy tuloy din ang amphibious training ng mga marines, matapos napasakamay na ang mga bagong bili na amphibious assault vehicle AAVS na nai-deliver noong 2019 mula South Korea na nagkakahalaga ng P2.42 billion.
Sa ngayong mayroong walong AAVs ang hukbo na armado ng .50 caliber machine guns, 40mm grenade launches at smoke launchers.
Kanina pinangunahan ni Philippine Navy Flag-Officer-in-Command VADM Giovanni Carlo Bacordo ang media tour sa loob ng BRP Jose Rizal, na kababalik lamang ng bansa matapos makiisa sa Rim of the Pacific exercises na isinagawa sa Hawaii.