-- Advertisements --

Ibinunyag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na tuloy pa rin ang Red October plot ng komunistang grupo para patalsikin sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay B/Gen. Antonio Parlade, assistant AFP deputy chief of staff for operations, target ng ilunsad ng NPA ang kanilang planong pagpapabagsak sa Duterte government sa darating na October 17 kung saan magkakaroon ng mass actions at tactical offensives.

Inihayag pa ni Parlade na karamihan sa mga lalahok sa mga isasagawang kilos protesta ay mga Lumad.

Dagdag nito na dalawa ang ikinakasang plano ng New People’s Army (NPA)- isa ang social unrest at pangalawa ang tactical offensive kung saan sasalakayin nila ang iba’t ibang police stations at mga outpost ng Philippine Army sa buong bansa.

Giit ng opisyal, kung hindi magtagumpay ang Red October plot ng NPA ngayong buwan, kanila itong itutuloy hanggang sa Nobyembre.

At bagama’t “doomed to fail” na aniya ang planong ito dahil nabuko na, ay itutuloy pa rin ng NPA ang kanilang tactical offensive upang maipakita na sila ay “force to be reckoned with” pa rin.

Sasabayan aniya ito ng tinatawag na “daluyong manggagawa” na bahagi ng planong lumikha ng “social unrest” sa hanay ng mga manggagawa.

Bahagi lang aniya ito ng maraming “phase” ng ouster plot kabilang ang pumalyang “Oplan Aklasan.”

Ayon kay Parlade, bilang pangontra rito, nasa opensiba na ang AFP at aktibong hinahanap na ang mga puwersa ng NPA para unahan na ang mga ito bago pa man sila umatake.