Nakikipag-ugnayan na ang Pamahalaan ng Pilipinas sa Smithsonian National Museum of Natural History (NMNH) sa Washington D.C para sa pagpapabalik sa mga labi ng mga Pinoy na naging bahagi ng koleksyon ng nasabing museyo.
Una kasi nabunyag ang koleksyon ng Smithsonian National Museum of Natural History sa tinatawag nitong “racial brains collection.” kung saan naroroon ang umano’y utak ng mga taong galing sa Pilipinas, germany, Czech Republic, at South Africa.
Kinabibilangan umano ito ng apat na pinoy na naging bahagi ng Philippine Exposition noong 1904 St. Louis World Fair.
Una na ring inamin ng Smithsonian management na maliban sa apat na Pinoy, nakakulekta din sila ng mga utak ng hanggang 23 Pilipino.
Sa kasalukuyan, ang National Museum of the Philippines na ang nangunguna sa pagpapauwi sa mga labi.
Naniniwala ang National Museum na ang mga labi ay posibleng galing sa ibat ibang mga indigenous groups na dinala sa US noong 1904 Fair, ngunit tuluyan ding namatay habang naroroon. Ilan sa kanila ay pinaniniwalaang mula sa Igorot Community sa Cordillera.
Ayon sa mga mananaliksik, ginagawa kasing ‘attractions’ noon ang mga miyembro ng indigenous people mula sa ibat ibang bahagi ng mundo, at nagiging ‘human zoo’ ang ilang mga fair, lalo na ang St. Louis World’s Fair.
Samantala, ang mga nasabing labi ay kinuha ng Smithsonian ‘for research purposes’ sa larangan ng biological anthropology.
Nauna na ring pumayag ang Smithsonian management na maibalik dito sa Pilipinas ang mga nasabing labi, ngunit iilan na lamang sa kanila ang mayroon pang pagkakakilanlan habang karamihan sa mga ito ay hindi na rin matukoy kung saan grupo nanggaling matapos ang ilang dekada nang nasa koleksyon ang mga ito