-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nagmistulang ilog ang Aurora-San Manuel national highway matapos umapaw ang tubig sa irrigation canal ng National Irrigation Administration (NIA).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engineer. Renato Bong Obiña ng 2nd district engineering office ng DPWH, sinabi nito na mula kaninang alas kwatro ng madaling araw ay nagsimulang lumakas ang daloy ng tubig mula sa main canal ng NIA.

Nangyari ito matapos nilang magpakawala ng tubig mula sa dam dahil sa malakas na buhos ng ulan kagabi.

Sa lakas ng daloy ng tubig ay na-wash out ang mga sidings ng canal kaya dire-diretso ang tubig sa national highway na nasa baba lamang ng irrigation canal.

Umabot sa tatlong daang metro ang haba ng highway na lumubog sa tubig at kalahating metro naman ang lalim nito.

Ayon kay Engr. Obiña, may cross drainage namang ginawa ang DPWH pero hindi pareho sa design ng NIA kaya madaling nasira.

Nilagyan na nila ng signages ang daan para maiwasan ang posibleng aksidente at nang walang ma-stranded habang binabantayan na rin ng mga otoridad ang nasabing lugar.

Nanawagan naman si Obiña sa mga mamamayang dadaan sa lugar na sumunod sa instruction para di magkumpulan ang mga sasakyan.

Ngayong hapon din ay binuksan na sa motorista ang nasabing national highway.