Nakatakda raw maghain ng motion for reconsideration ang National Grid Corp. of the Philippines (NGCP) matapos ang ipinataw ng Energy Regulatory Commission (ERC) na magbayad ng P5.1-million na multa dahil sa paglabag sa Department of Energy (DOE) rules sa pagbili ng power reserves.
Sa disclosure sa Philippine Stock Exchange, sinabi ng Synergy Grid & Development Phils. Inc., ang listed holding firm ng NGCP, nais daw nilang maghain ng MR sa loob ng period na pinapayagan ng rules at regulations.
Kung maalala, minultahan ng ERC ang NGCP dahil sa umano’y paglabag sa Department Circular No. DC2021-10-0031 ng DoE na may titulong “Prescribing the Policy for the Transparent and Efficient Procurement of Ancillary Services by the System Operator” o AS-CSP Policy.
Sa ilalim ng Section 7.4 ng naturang polisiya, ang NGCP bilang System Operator (SO) ay required na magsumite ng para sa approval ng Terms of Reference (TOR) bago ang publication ng Invitation to Bid (ITB) ng DoE.
Sinabi ng ERC na ikinonsidera nila ang kabiguan ng NGCP na magsumite sa DoE ng kanilang TOR at ITB na isa sa mga paglabag at ang kanilang kabiguang mai-publish at mamintina ang website ng ITB na walang prior DOE approval ng TOR at ITB na isa ring paglabag.
Kinumpirma naman ito ng NGCP spokesperson na si Cynthia Alabanza.
Pero sinabi ni Alabanza na noong lumabas ang cause order ng ERC ay nakapagsumite na sila ng kanilang dokumento isang araw bago ang pagpapalabas ng desisyon kaya labis daw nila itong ikinagulat.
Nakasaad naman sa desisyon na nagbigay ng direktiba ang ERC sa NGCP na magsumite ng TOR at ITB sa DOE bilang pagsunod sa Sections 7.4 at 7.5 ng AS-CSP policy sa loob ng 30 araw kapag natanggapna ang kopya ng desisyon.