-- Advertisements --

Mariing kinundina ng National Council on Disability Affairs, ang discriminatory remark sa episode ng ‘Machong Chismisan’ patungkol sa grupo ng mga may kapansanan.

Ayon pa sa kanila na ang paggawa ng content na ginagawang katatawan at ang pag-apak sa dignidad ng mga may kapansanan ay harap-harapang pagpapakita ng diskriminasyon.

Nanawagan din ang National Council of Disability Affairs na maging sensitibo, irespeto ang mga PWDs at maging responsable sa lahat ng digital platforms maging sa online engagements.

Sa deleted segment episode ng ‘Machong Chismisan’ podcast isinentro ng mga ito ang mga may kapansanan partikular na ang nasa Autism spectrum, at ginawan ng malisyoso at nakakainsultong komento. Ayon pa sa NCDA na kahit nabura na ang episode, ito ay nakababastos pa rin hindi katanggap-tanggap sa kahit anong porma.

Dagdag pa ng kagawaran na ang mga taong may kapansanan ay may karapatan na mabigyan ng sapat na respeto, simpatya, at marapat lamang na unawain, at hindi dapat ginagawang tampulan ng tukso para gawing sentro ng entertainment at clout.

Binigyang diin din ng council ang Republic Act No. 7277, o mas kilala bilang Magna Carta for Persons with Disabilities, na ang bawat indibidwal ay marapat lamang na mabigyan ng kaprehong respeto at dignidad, hindi lamang sa komunidad kundi maging sa digital spaces.