-- Advertisements --

NAGA CITY – Umabot na sa apatnaput dalawang mga kabayahan at pamilya ang naapektohan ng nangyaring sunog sa Brgy. Manggagawa, Sitio Looban, Guinayangan, Quezon.

Kung maaalala, ang naturang sunog ang naging dahilan ng pagkamatay ng dalawang menor de edad na nasa edad 15-anyos at 4-anyos na bata.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay FO3 Joseph V. Salamat, mula sa Bureau of Fire Protection Guinayangan, sinabi nito na electrical wirings ang tinitingnan nilang naging dahilan ng sunog.

Aniya, naging pahirapan umano ang pag-apula sa apoy dahil na rin sa dikit dikit na mga bahay at malakas na hangin dahil malapit umano ito sa tabing dagat, kung kaya mas mabilis na kumalat ang apoy.

Dagdag pa ni Salamat, sa bahay umano na tinutuluyan ng nasabing dalawang menor de edad nagsimula ang apoy.

Sinubukan pa umanong sagipin ng isang concerned citizen ang mga menor de edad na naging dahilan para magtamo rin ito ng mga sugat sa kanyang katawan.

Samantala, hanggang ngayon hindi pa rin matukoy ng mga otoridad ang eksaktong halaga ng mga pinsala na iniwan ng nasabing sunog.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing insidente.