Nasa P160 milyong halaga ng smuggled na sigarilyo ang nasabat sa pinagsamang operasyon ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Navy sa karagatan ng Tandubas, Tawi-Tawi.
Sinabi ni BOC Commissioner Bienvenido Rubio na nag-ugat ang operasyon sa ulat na kanilang natanggap tungkol sa isang motor banca na magpapalusot ng sigarilyo sa bansa sa pamamagitan ng southern backdoor ng bansa.
Nasa 2,798 master cases ng illegally imported branded cigarettes na nagkakahalaga ng P160 million sakay ng M/B INDAH NADZ ang naharang ng Philippine Navy sa Tawi-Tawi sa pamamagitan ng intelligence report mula sa Bureau of Customs Intelligence Group.
Ang boundaries ng bansa sa Mindanao ay naging mahirap na lugar para sa mga security forces ng gobyerno dahil sa mga border na naging paboritong ruta ng mga smuggler at human trafficker.
Sa operasyon, nakipagsanib-puwersa ang Intelligence Group (IG) at Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ng BOC sa mga tauhan ng PC390 ng Navy sa pagharang sa motor boat sa paligid ng Baturapac Island.
Sa inspeksyon ng M/B INDAH NADZ, sinabi ng mga awtoridad na natagpuan nito ang 2,798 master case ng mga sigarilyo.
Sa kasalukuyan ay isinailalim na sa kanilang kustodiya at masusing imbestigasyon ang motorboat kasama ang 12 tripulante na nabigong magpakita ng mga dokumento kaugnay sa mga sigarilyong kanilang dinadala.