Ito ay matapos ang ikinasang operasyon ng iba’t-ibang sangay ng PNP kabilang na ang National Capital Region Police Office, Intelligence Grouo, at Anti-Cybercrime Group sa ilang gusali sa isang compound sa kahabaan ng Alabang Zapote Road sa Barangay Almanza Uno.
Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo, sinalakay ng mga otoridad ang mga gusali sa nasabing lugar upang magsilbi ng search warrant para sa umano’y paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act.
Dalawa lamang kasi aniya sa walong gusali ang may business permit para makapag-operate.
Sa datos na nakalap ng pulisya, mula sa 2,724 katao na nailigtas, nasa 1,534 ang Filipino habang 604 ang Chinese citizen, 183 ang Vietnamese, 137 ang Indonesian at 134 ang mula sa Malaysia. Ang iba ay kabilang sa ibang nasyonalidad.
Ayon kay ACG spokesperson Capt. Michelle Sabino, sinabi ng mga biktima na sila ay mga empleyado ng isang “online casino” na na-recruit sa pamamagitan ng job postings sa social media.
Samatala, nahaharap ang mga suspek sa kasong human trafficking kaugnay ng Republic Act 10175 o ang Cybercrime Prevention Act.
Kinilala rin ng NCRPO ang may-ari, maintainer at facilitator ng compound na sina Abbey Ng o alyas “Quiha Lu,” “Liangfei Chen” at “Jimmy Lin.”
Ang naturang compound ay nasa ilalim ng Xinchuang Network Technology Inc., na dating kilala bilang “Hong Tai.”
Pinangalanan din sa mga warrant sina Danica Andres Mensah, Olivero Ong, Divina Trillanes Visal at Daisy Vidal Cidro, na kinilala bilang mga incorporator ng Xinchuang Network Technology Inc.