GENERAL SANTOS CITY – Isang narco-politician ang naaresto sa magkasabay na search warrant operations ng mga otoridad sa Barangay Balacayon, Pigcawayan, Cotabato Province.
Ayon kay Katryn Gaye J. Abad, information officer III ng Philippine Drug Enforcement Agency-12, target ng operasyon ang incumbent barangay captain gayundin ang kaanak nito at isang babaeng barangay kagawad.
Ilang buwan na kasing namonitor ang mga ito na sangkot sa pagnenegosyo ng illegal drugs na labag sa Republic Act 9165.
Umabot sa 15 grams suspected shabu na may halagang P102,000 ang narekober ng pulisya sa bahay ni Kapitan Daidtog Samama alyas Degs.
Pero nagawa nitong makatakas sa gitna ng operasyon nang matunugan ang presensya ng kapulisan.
Nasa dalawang grams ng shabu naman na nagkakahalaga ng P13,600 ang nakumpiska sa isinagawang search sa bahay ng at-large na si Kagawad Imelda Matulik alyas Melda.
Habang ang mga suspek naman na sina Nasrudin S. Usman at Mohaiman M. Sabang ay nadakip ng operatiba nang nakumpiska sa kanila ang 15 grams suspected shabu.
Subalit ang kanilang kasabwat na si Impang Baraguer Samama, kaanak ni Kapitan Degs ay nakatakas din.
Inihahanda na ang isasampang kaso laban sa mga suspek.