Tinitingnan ngayong dahilan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang posibleng paggalaw ng Makilala-Malungon Fault na nagresulta sa naramdamang malakas na lindol sa ilang parte ng Mindanao kahapon.
Sinabi ni Department of Science and Technology (DOST) Undersecretary at Phivolcs Director Renato Solidum na hinihinala ng ahensya na dahil sa paggalaw ng Makilala-Malungon Fault line ang naranasang lindol sa Davao del Sur.
Ang naturang fault line ay sinasabing hindi pa nakakapaglabas ng enerhiya kaya naipon.
Pinag-aaralan na raw ngayon ng ahensya ang western plate ng Makilala-Malungon Fault na posibleng gumalaw at nagdulot ng 6.1 magnitude na lindol.
Dakong 12:22 ng tanghali nang yanigin ng magnitude 6.1 na lindol ang Davao del Sur. Namataan ang epicenter nito limang kilometro Timog-Kanluran sa bayan ng Magsaysay sa Davao del Sur.
Ito na ang ikalawang pagkakataon na niyanig ng lindol ang Davao del Sur sa loob lamang ng isang araw.
Bago ang malakas na lindol ay tumama naman ang 4.8 magnitude earthquake sa Davao del Sur bandang 7:28 ng umaga kahapon.