
Nasa mahigit 104 million na o katumbas ng 61.94% ng kabuuang 168 million subscriber base ang nairehistro na tatlong araw na lamang bago ang deadline ng SIM registration sa araw ng Martes, Hulyo 25.
Sa data ng National Telecommunications Commission, nasa kabuuang 104,076,843 sim users na ang nakapagpatala.
Nasa 49.2 million dito ay Smart subscribers, sinundan ng Globe na mayroong 47.47 million registered SIMs habang sa DITO Telecommunity naman mayroong 7.4 million registered subscribers na.
Nanindigan naman ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na hindi na papalawigin pa ang deadline at ang mga hindi pa rehistradong sim ay agad na mapuputulan ng koneksyon pagpatak ng alas 12:01 ng madaling araw sa Hulyo 26.
Sa kabila naman ng deactivation ng hindi pa rehistradong sim isang araw pagkatapos ng deadline, sinabi ng DICT na magbibigay ito ng 5 day grace period para sa reactivation ng disconnected sim cards.










