-- Advertisements --

Masyadong maiksi ang oras na inilalaan sa face-to-face classes para ma-maximize ito ayon sa ilang mga guro.

Kaugnay nito, sinabi ni Department of Education (DepEd) Undersecretary Nepomuceno Malaluan na ang inilalaan para sa in-person classes ng mga kindergarten students ay tatlong oras habang apat na oras naman sa mga higher levels hanggang senior high school.

Ayon kay Malaluan, pag-aaralan uli nila ang time allotment sa face-to-face classes na ibabase sa kanilang monitoring at evaluation tool reporting kada linggo.

Makakasama pa rin aniya nila sa review na ito ang kanilang mga counterpart sa Department of Health.

Samantala, isa rin sa mga isyu na kinakaharap ng DepEd ay ang simultaneous o sabay-sabay na pagdaraos ng face-to-face classes at distance learning.

Kaya naman kailangan din aniyang magkaroon ng adjustments para hindi rin mahirapan ang mga guro pati na rin ang mga estudyante sa pag-aaral sa harap ng Coronavirus Disease pandemic.

Nobyembre 15 nang sinimulan ang pilot run ng limited face-to-face classes sa initial 100 public schools.