-- Advertisements --
Mark Endaya Cabal

Inaalam ngayon ng mga otoridad kung may kakilala o kapit sa loob mismo ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lalaking nahuling nangingikil at nakapagdala pa ng shabu sa loob mismo ng compound ng NBI headquarters sa lungsod ng Maynila.

Una rito, sumalang na sa inquest proceedings sa Office of the Prosecutor ng Manila ang suspek na si Mark Endaya Cabal.

Ayon kay NBI Office-in-Charge (OIC)-Director Eric Distor, ang suspek ay naaresto sa parking lot ng NBI headquarters ng NBI-Special Action Unit (NBI-SAU).

Nag-ugat ang pag-aresto kay Cabal sa reklamo ng isang lalaking nag-a-apply ng NBI clearance.

Ayon sa hindi na pinangalanang biktima, nakilala lang niya ng suspek sa labas ng NBI Clearance building na nakasuot ng NBI polo shirt.

Dahil dito, naniwala raw ang biktimang empleyado ito ng NBI at humingi ng impormasyon kaugnay ng pagkuha ng NBI clearance at pumayag naman daw ang suspek.

Pinalabas daw ni Cabal na noong chineck nito ang records, mayroon pang nakabinbing drug case at may warrant of arrest ang biktima.

Dito na umano binantaan ni Cabal ang biktima na kapag hindi siya magbibigay ng P100,000 ay aarestuhin ito. 

Agad naman umanong bumalik sa NBI ang biktima at nagbigay ng down payment ng P40,000.

At dahil hindi nakuntento si Cabal sa P40,000 ay lalo pa niyang tinakot ang biktima at sinabing baka hindi lamang daw pagkakakulong ang kahaharapin nito dahil puwede pa siyang mapatay dahil sa pagkakasangkot daw sa illegal drugs.

Hiniling naman ng biktima na bigyan siya ng isang linggo para makalikom ng karagdagang P60,000.

Pero dahil sa advice daw ng kaibigan ng biktima ay nagpasaklolo ito sa NBI-SAU para maghain ng reklamo sa suspek.

Nang malaman naman ng NBI ang modus ni Cabal ay agad silang nagsagawa ng entrapment operation.

Nagkasundo raw ang biktima at suspek na magkita sa parking lot ng NBI Headquarters.

Nang iabot ng biktima ang hinihinging karagdagang cash ay dito na hinuli ang suspek na si Cabal.

Narekober sa posiyon ni Cabal ang tatlong heat-sealed plastic sachets na hinihinalang shabu. 

Base naman sa certification na inisyu ng NBI-Forensic Chemistry Division (NBI-FCD), isa sa mga sachets ay positibong Ephedrine o stimulant na may bigat na 0.2718 grams habang ang dalawang sachet ay positibong Methamphetamine hydrochloride o shabu na may bigat na 12.2653 grams.

Sa isinagawang verification, si Cabal ay mayroon na ring mga kasong robbery/extortion at estafa.