Natunton at nakausap na ng Mandaluyong City Police ang isang lalaki nag-viral matapos manutok ng baril habang kinakausap at kinokonpronta ang isang motorista.
Ayon sa pulisya, nangyari ang insidente noong Hunyo 17 sa Barangay Addition Hills, Mandaluyong City.
Sa video, makikita ang lalaki na tila galit na galit at kumasa pa ng baril habang sinasabihan ang motorista na umalis sa lugar na pinagparadahan nito.
Narinig din sa video ang lalaki na nagsabing, “Mainit ang ulo ko! General ako!”
Liban dito tumanggi muna ang pulisya na ilahad ang pagkakakilanlan ng nagpakilalang dating general.
Una nang kinumpirma ng Mandaluyong City Police na dating Armed Forces of the Philippines general ang lalaking nasa viral video.
Napag-alaman na nag-ugat ang tensyon sa isyu ng paradahan sa kalsada.
Sinabi rin ng pulisya na hindi muna dinala sa kustodiya ang suspek dahil wala pang pormal na reklamo o blotter na isinampa ng biktima.
Patuloy namang hinahanap ng mga awtoridad ang biktima upang malaman kung magsasampa siya ng reklamo, lalo na sa posibleng kasong grave threat.
Iniimbestigahan din ng pulisya kung may kaukulang lisensya ang baril na ginamit sa insidente.
















