-- Advertisements --

NAGA CITY – Nagdeploy na ng PNP personnel ang Naga City Police Office sa lalawigan ng Albay kaugnay ng banta dahil sa patuloy na paglabas ng lava mula sa Bulkang Mayon.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLt. Col. Dario Sola, Deputy City Director for Operation ng nasabing himpilan, sinabi nito na ang nasabing hakbang ay kaugnay ng kautusan ng Police Regional Office (PRO)-5.

Aniya, 40 mga tauhan ng kanilang himpilan ang ipinadala sa nasabing lalawigan para tumulong sa pagresponde at pagpapalikas sa mga residente na malapit sa nasabing bulkan.

Dagdag pa nito, magiging katuwang din ang nasabing mga uniformed personnel sa paghihigpit sa mga residente na nagpapabalik-balik sa kanilang tahanan na sakop ng 6km permanent danger zone ng Mayon.

Mababatid na kasalukuyang nakabandera pa rin sa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon ngunit pinag-aaralan na ring ilikas ang mga residente na sakop ng 7 km radius danger zone.

Dahil na rin sa nasabing posibilidad, dadami ang kakailanganing ilikas kung kaya kinakailangan din ang dagdag na mga tauhan mula sa Philippine National Police.

Samantala, naka-standby na rin ang lahat ng Police Provincial Offices sa iba’t-ibang bahagi ng rehiyong Bicol bilang paghahanda kung sakaling kailanganin pa ang dagdag na deployment, kasali na ang Camarines Sur Police Provincial Office na nakahanda na ring magpadala ng kanilang mga tauhan sa nasabing lalawigan.