-- Advertisements --

Tuluyan nang narekober ngayon ng Philippine Coast Guard ang kanilang official facebook page matapos mabiktima ng panibagong nanamang hacking.

Sa isang statement, iniulat ng pamunuan ng PCG na bandang alas-9:00am ngayong araw ay tuluyan nang nabawi ng Coast Guard Public Affairs Service ang access sa naturang online platform.

Gayunpaman ay sinabi naman ni PCG Spokesperson Rear Admiral Armand Balilo na kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan ngayon ang kanilang Coast Guard Public Affairs Service sa Cyber crime Investigation and Coordinating Center na nasa ilalim ng Department of Information and Communications Technology, gayundin sa Meta para naman sa pagsasagawa ng backend operations at pag assess sa nangyaring security breach sa kanilang online page.

Sa ngayon ay patuloy pa rin inaalam ng mga kinauukulan ang mga posibleng pagkakakilanlan ng mga salarin sa likod ng nangyaring cyber attack.

Habang magsasagawa rin ng isa pan hardware check ang PCG kasama ang kanilang mga It experts mula sa Coast Guard Weapons, Communications, Electronics, at Information System Command upang palakasin pa ang cybersecurity measures ng naturang ahensya.

Matatandaan na hindi lamang ito ang unang pagkakataon na na biktima ng hacking ang Facebook page ng PCG sapagkat maliban sa insidente ng hacking noong Marso 29 ay nakaranas din ito ng kaparehong cyber attack noong Pebrero ng taong kasalukuyan kung saan nagpopost ang mga salarin ng mga malisyosong videos sa online page ng nasabing ahensya.