-- Advertisements --

Iniutos ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac ang agarang pagpapa-uwi sa Pilipinas ng isang empleyado ng Migrant Workers Office (MWO) sa Bahrain matapos kumalat sa social media ang video na nagpapakita ng umano’y paninigaw nito sa mga overseas Filipino worker (OFW) na humihingi ng tulong pinansyal.

Sa pahayag ni Cacdac, sinabi niyang hindi katanggap-tanggap ang asal ng naturang empleyado sa mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa. Tiniyak din niya sa mga OFW na patuloy silang paglilingkuran ng pamahalaan nang may respeto at malasakit.

Sa viral na video, makikita ang isang lalaki sa labas ng tanggapan ng migrant workers sa Bahrain na sinasabihan ang mga OFW na umalis na at hindi na umano mapagbibigyan ang kanilang kahilingan na tulong dahil ubos na ang pondo ng pamahalaan.

Maririnig din sa video ang pahayag ng staff na ang tanggapan sa Maynila ang nagsabing wala na raw natitirang pondo.

Hindi naman pinangalanan ni Cacdac ang empleyadong sangkot at hindi rin niya tinukoy kung anong parusa ang maaaring ipataw matapos ang recall.

Samantala, nauna nang naglabas ng abiso ang Philippine Embassy sa Manama na pansamantalang itinitigil ang pamamahagi ng financial assistance simula Marso 6. Ayon sa embahada, ito ay dahil sa patuloy na missile at drone attacks sa rehiyon, kaya ipinatutupad ang mahigpit na seguridad at hindi muna tumatanggap ng walk-in applicants.

Lumabas din ang insidente kasabay ng pagdami ng reklamo laban sa ilang opisyal ng pamahalaan sa Middle East, kabilang ang umano’y hindi nasasagot na hotline para sa mga OFW na nangangailangan ng tulong.

Batay sa pinakahuling datos, ang Bahrain ang may pinakamataas na bilang ng mga OFWs na humihiling ng repatriation na umabot sa 278, sinundan ng Abu Dhabi na may 246 at Dubai na may 231.
Tinatayang nasa 2.5 milyong Pilipino ang kasalukuyang nagtatrabaho sa iba’t ibang bansa sa Middle East.