Inihayag ni Manila Electric Company (Meralco) Chairman at CEO Manuel V. Pangilinan na hindi simpleng usapin ang pag-aalis ng system loss charge dahil maaari itong magdulot ng malaking epekto sa buong industriya ng kuryente.
Ginawa ni Pangilinan ang pahayag kasunod ng ng panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na amyendahan na ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).
“It’s a big bill for the industry because it cuts across generation, transmission, and distribution. The bill is too big for the industry to absorb all of it. So, there’s got to be that discussion. It’s going to impact the entire power industry in this country,” ani MVP.
Binigyang-diin din ng business tycoon na kailangang linawin kung sino ang sasagot sa mawawalang kita kapag tuluyang inalis ang system loss charge.
“It is not a small matter… So, who’s going to pay for that? The industry? It’s going to cost tens of billions of pesos. Will you not survive?” dagdag niya.
Matatandaang sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni PBBM noong Lunes, Hulyo 27, hinimok nito ang Kongreso na agarang amyendahan ang EPIRA upang hindi na maipasa sa mga consumer ang system loss charge at maging ang kaukulang value-added tax (VAT) nito.
Ang system loss ay tumutukoy sa pagkawala ng kuryente habang dumaraan ito sa transmission at distribution network dahil sa mga teknikal na dahilan at sa mga ilegal na gawain tulad ng paggamit ng “jumper” at pagnanakaw ng kuryente.
Samantala, sinabi ng Department of Energy (DOE) na pinag-aaralan na ang mga hakbang upang mabawasan ang system loss nang hindi agad ipinapasa ang epekto nito sa mga consumer.
Isa raw sa mga opsyong tinitingnan ng ahensya ang pagpapautang ng National Electrification Administration (NEA) sa mga electric cooperative upang makapag-upgrade ng kanilang mga pasilidad at mapaunlad ang kanilang distribution system.
Layunin nitong mabawasan ang pagkawala ng kuryente at mapababa ang system losses sa paglipas ng panahon.















