-- Advertisements --
MUNTI BUCOR WALL PADER
IMAGE | Brgy. Poblacion, Muntinlupa City/Facebook

MANILA – Tinutulan ni Muntinlupa City Mayor Jimmy Fresnedi ang itinayong pader sa isang kalsada na malapit sa compound ng Bureau of Corrections (BuCor).

Nitong Sabado nang magulantang ang mga residente ng Brgy. Poblacion matapos makita ang nakahambalang nang pader sa bahagi ng access road ng Southville 3.

Ayon sa alkalde, walang pahintulot mula sa tanggapan ng Muntinlupa City local government ang pagtatayo ng BuCor ng pader sa naturang bahagi ng kalsada.

“Mariin nating tinututulan ito dahil una, wala pong nangyaring koordinasyon sa Pamahalaang Lungsod ukol sa pagtatayo ng pader,”
ani Fresnedi.

“Hindi po ito ipinaalam sa ating tanggapan, at hindi rin nabigyan ng sapat na impormasyon ang mga residente.”

Kinumpirma ni Fresnedi ang pagpapadala ng notice ng BuCor sa mga opisyal ng Brgy. Poblacion noong March 19, pero hindi naman daw nakapaloob doon ang pagtatayo ng naturang istruktura.

Kaninang umaga ay ikinagulat natin ang balitang nagtayo ng pader ang Bureau of Corrections (BuCor) para harangan ang…

Posted by Jimmy Fresnedi on Saturday, March 20, 2021

Iginiit ng mayor na malaking abala ang ginawa ng ahensya, gayundin na pasakit sa transportasyon ng mga residente ang inilagay na harang.

“Nauunawaan kong kailangang maghigpit sa health protocols, pero pakiusap natin sa BuCor na unawain din ang ating mga kababayan.”

Nagtungo na raw sa lugar si Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon para makiusap sa tanggapan na alisin na ang pader.

Sumulat na rin umano si Fresnedi sa pamunuan ng BuCor para itigil ang konstruksyon ng harang.

“Magpapasa rin ng resolusyon ang pamunuan ng Brgy. Poblacion at ang ating Sangguniang Panlungsod para kondenahin ang pagharang sa access road.”