CENTRAL MINDANAO – Tukoy na ng mga otoridad ang nanambang sa acting municipal treasurer ng bayan ng President Quirino, Sultan Kudarat.

Nakilala ang biktima na si Rey Torres na residente ng Barangay Katico, President Quirino.

Ayon sa ulat ng pulisya, lulan ang biktima sa sasakyan na pag-aari ng local government unit at pauwi na sana sa kanyang bahay.

Ngunit pagsapit nito sa Purok 1, Barangay Tinaungan ay bigla itong pinagbabaril ng mga hindi kilalang armadong kalalakihan na nakaabang sa gilid ng kalsada gamit ang .45-caliber na pistola.

Mabilis namang tumakas ang mga suspek sakay sa dalawang motorsiklo patungong Tacurong City.

Nagtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan ang biktima kaya agad itong binawian ng buhay.

Marami ang naniniwala na posibling may kinalaman sa trabaho ng biktima ang pagpaslang sa kanya.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng President Quirino PNP sa pananambang patay sa biktima.