Nakapagtala nitong Martes ng hapon ng mataas na volcanic sulfur dioxide (SO2) gas emission sa Mt. Kanlaon.
Batay sa abiso ng Phivolcs, may average na 2,707 tonnes/day ang inilabas na sulfur dioxide ng bulkan.
Ito na ang second highest emission recorded ngayong taon.
Ang pinakamataas na nai-record ngayong 2024 ay 3,098 tonnes/day, kung saan naranasan ito noong Enero 19, 2024.
Nabatid na ang Kanlaon ay paulit-ulit na nagkakaroon ng degassing ngunit minimal na dami lamang ito sa mga karaniwang araw.
Maliban dito, may mahihinang pagyanig din na naitala ang mga eksperto.
Dagdag pa rito ang ground deformation na nananatili mula noong Marso 2022 at bahagyang lumaki pa noong 2023.
Inaasahang magpapatuloy pa ito hanggang sa mga darating na buwan dahil sa pagiging aktibo ng bulkan.