Ipinagmalaki ngayon ng Metro Rail Transit (MRT) Line 3 management ang kanilang accomplishment matapos ang pag-deploy ng 21 train sets na nangyari sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng 20 taon.
Sa Facebook post, sinabi ng management na ang kanilang hakbang ay naging daan para mabawasan ang waiting time interval ng mga tren.
Dahil dito, nag-increase din umano ang passenger capacity ng mga tren ng MRT Line 3.
Kasabay nito, nangako naman si Department of Transportation (DoTr) Sec. Arthur Tugade na nais nilang tuloy-tuloy lang ang pagpapaganda ng serbisyo ng MRT para sa mga pasaherong tumatangkilik dito araw-araw.
Hindi raw gaya ng mga nararanasang technical glitches, sa ngayon ay mas maayos na ang pagbiyahe ng mga tren ng MRT at sa katunayan ay wala nang mga naranasang unloading incident sa nakaraang tatlong buwan mula nang simulan ang public transportation noong Hunyo 1 sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).
Mahigpit pa rin namang ipatutupad ang safety protocols sa loob ng tren gaya ng magsusuot ng face masks at face shileld, pagmintina ng isang metrong distansiya, walang kumakain sa loob ng tren at walang sumasagot sa ano mang digital device at wala rin nag-uusap sa loob ng bagon.