Sinibak ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) ang Bacolod Masskara sa natitirang bahagi ng season matapos ang hinalang game manipulation laban sa Bulacan Kuyas.
Sa naturang laban, nagtamo ng 100-64 na pagkatalo ang Bacolod at hindi na nakapuntos sa huling 7 minuto at 48 segundo ng fourth quarter ng laro, habang nakagawa pa ng anim na turnovers.
Ayon kay MPBL Commissioner Emmer Oreta, mahigpit na ipagtatanggol ng liga ang integridad ng Philippine basketball at agad silang kikilos laban sa anumang hakbang na sisira sa tiwala ng mga tagahanga, koponan, at publiko.
Dagdag pa ng MPBL, dati nang nabigyan ng babala ang Bacolod Masskara kaugnay ng mga naunang insidenteng iniulat sa tanggapan ng commissioner.
Inaprubahan naman ni MPBL Founder at CEO Manny Pacquiao ang ipinataw na parusa matapos niyang mapanood ang naturang laro.
Samantala, nagsagawa na rin ng fact-finding investigation ang Games and Amusements Board (GAB).
Hihingan ng paliwanag ang mga manlalaro at iba pang sangkot upang matiyak ang due process bago maglabas ng pinal na desisyon alinsunod sa umiiral na mga patakaran.
















