Hinamon ni PhilHealth President and CEO Ricardo Morales si Presidential spokesperson Harry Roque na magsampa ng kaso sa korte kung may ebidensya hinggil sa sinasabing korapsyon sa ahensya.
Ginawa ni Morales ang naturang pahayag matapos sabihin ni Roque na kaya malaki ang nawawalang pera sa PhilHealth dahil aniya sa korapsyon.
Kung si Morales ang tatanungin, naihabla na ang kaso laban sa 20 opisyal at empleyado ng PhilHealth na sinasabing sangkot sa umano’y korapsyon sa ahensya base sa mga ebidensyang nakalap nila na kasalukuyan ay hawak na ng NBI at PACC.
Iginiit ng opisyal na “outstanding” pa ang mga kasong ito, at dapat tanungin aniya ang NBI at PACC sa kung ano na ang nangyari sa mga ito.
Samantala, para maresolba ang problema sa mga fraudulent claims, sinabi ni Morales na nasa proseso pa ang PhilHealth sa ngayon sa pagpapatupad ng information system para gawing computerize ang lahat ng transaksyon.
Ito aniya ang nakikita nilang “long term solution” hinggil sa naturang problema.
Ang nasabing programa ay pinaglaannan aniya nilang P2.6 billion na pondo ngayong taon, pero may delay dahil sa “maraming issue” katulad na lamang sa bidding.