-- Advertisements --

Hinikayat ng isang senador ang Duterte administration na subukan ang konseptong “sponge cities” para maibsan ang pinsala ng mga bagyong pinatitindi pa ng climate change.

Sinabi ni Senate committee on economic affairs chairperson Sen. Imee Marcos, na dapat magkaroon ng pangmatagalang solusyon sa mga ginagawang hakbang laban sa kalamidad.

Kaugnay nito, inihain ni Marcos ang Senate Resolution 537 para makalikha ang bansa ng sariling version ng konseptong ito habang iniimbestigahan ang sinasabing “man-made” disaster na dulot ng bagyong Ulysses at pagpapakawala ng tubig.

Ang pagbuo ng “sponge cities” ay isang storm water management strategy na naging tagumpay sa pagkontrol ng mga flash flood sa China at India.

Sa estratehiyang ito’y kabibilangan ng pinagsama-samang mga imprastraktura ng tubig, mula sa pinagbagsakan ng ulan patungo sa water treatment facilities.

Layunin ng hakbang na ma-control ang baha at makaipon din ng tubig para gawing inumin o gamitin bilang tubig na panlinis.

Ang mga aspaltadong kalsada at sidewalk na may maliliit na butas sa ibabaw ay dapat ding subukan sa mga lungsod para masipsip agad ang mga ulan.

Habang ang sobrang buhos ay padadaluyin patungong dagat sa pamamagitan ng isang buong sistema ng mga kanal, floodway at spillway para maiwasang bumigay at umapaw sa mga tabing ilog at mga lawa.