-- Advertisements --

Kung ang MMDA raw ang tatanungin, hindi maituturing na tagumpay ang malawakang tigil pasada ng mga jeep na tumututol sa nilulutong modernisasyon ng public utility vehicles (PUV).

Ayon kay MMDA spokesperson Celyn Pialago, sapat ng tugon ang suspensyon ng mga klase at paghahanda ng local government units sa Metro Manila para maipakita sa sektor ng transportasyon na mali ang aniya’y pagpapahirap sa mga commuter.

Ilang kolehiyo at pampublikong tanggapan kasi ang maagang nag-anunsyo ng suspensyon ng pasok.

Libreng sakay naman ang sagot ng mga lokal na pamahalaan, partikular sa Quezon City, Muntinlupa, Las Pinas, Marikina at Valenzuela.

Sa panayam ng Bombo Radyo iginiit ni Alliance of Concerned Transport Organizations Pres. Efren de Luna na bagamat suportado nito ang jeepney modernization ay hindi naman daw patas ang panuntunan sa pagtupad nito.

Nagbanta naman ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga tsuper na nakiisa sa malawakang tigil pasada.

Ayon kay LTFRB chairman Martin Delgra, nasa 35 PUV operators na ang kanilang nakanselahan ng prangkisa dahil sa protesta.

Iniimbestigahan na rin daw ng ahensya ang ulat ng pambabato ng ilang nag-rally sa mga kapwa driver na bumiyahe sa gitna ng transport strike.