-- Advertisements --

Pansamantalang inalis ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga clearing operations si MMDA Special Operations Group-Task Force Road Clearing (SOG-TFRC) chief Gabriel Go, habang isinasagawa ang imbestigasyon kaugnay ng kaniyang umano’y pagkakasangkot sa isang viral video.

Sa pahayag na inilabas ng MMDA nitong Hulyo 15, sinabi ng ahensya na nakarating na sa kanilang kaalaman ang kumakalat na video na kinasasangkutan ni Go.

Ang naturang video ay may kaugnayan sa umano’y paraan ng pagsita niya sa isang lalaking guro na nagmamaneho ng motorsiklo nang walang suot na helmet.

Ayon sa MMDA, nakatanggap na rin sila ng mga liham mula sa iba’t ibang grupo hinggil sa insidente.

Sinabi ng ahensya na nagsasagawa na ito ng pormal na imbestigasyon upang matukoy kung may pananagutan si Go sa nangyari.

Binigyan na rin siya ng show cause order na nag-uutos sa kaniya na magsumite ng paliwanag kaugnay ng insidente.

Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, sinabi ng MMDA na pansamantala munang hindi isasama si Go sa mga clearing operations.

“The viral video of an incident involving our personnel Gabriel Go was brought to our attention, and we have also received letters from various groups,” ayon sa pahayag ng MMDA.

“Rest assured that we are conducting an investigation as to Mr. Go’s liability, and he was asked to explain his side in formal writing through a show cause order.”

“His participation in clearing operations is currently held in abeyance pending the result of the investigation,” dagdag pa ng ahensya.